LTFRB NAGBABALA SA MGA PUV DRIVER, OPERATOR LABAN SA HARASSMENT, DISCRIMINATION SA MGA PASAHERO
- Published on January 21, 2026
- by @peoplesbalita
MULING pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez, ang mga operator at tsuper ng pampublikong sasakyan (PUV) na mahigpit na sundin ang mga batas laban sa pangha-harass at diskriminasyon sa mga pasahero.
Binanggit ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na ang kapakanan ng mga pasahero ang dapat laging inuuna, sapagkat ito ay nakasaad bilang pangunahing kondisyon sa prangkisa na tinanggap ng mga operator sa kanilang aplikasyon.
“Simple lang ang lohika dito: Ang mga pasahero ang bumubuhay sa negosyo ng pampublikong transportasyon. Kaya tungkulin ng mga tsuper at operator na igalang sila sa lahat ng oras,” ani Chairperson Mendoza.
Dagdag pa niya, sa mga pagkakataong may pang-aabuso o paglabag sa mga kondisyon ng prangkisa, ang LTFRB ang kikilos para sa kapakanan ng mga mananakay—alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na unahin ang kapakanan ng mga Pilipinong commuter.
Isa sa mga batas na binanggit ay ang Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act (“Bawal Bastos Law”), na nagbabawal sa anumang uri ng pangha-harass sa pampublikong lugar, kabilang ang transportasyon.
Binigyang-diin ni Mendoza ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng publiko upang mapanagot ang mga lumalabag na tsuper at operator. Aniya, nagiging malinaw lamang ang mensahe na dapat silang magpakabait kung ang mismong biktima ay pursigidong magsampa ng reklamo.
“Pinadali na natin ang proseso ng pagrereklamo. Mayroon tayong mga hotline at social media monitoring team na nakatutok sa mga isyung may kinalaman sa pampublikong transportasyon,” paliwanag ni Mendoza.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang kaso ng isang driver ng ride-hailing service na kasalukuyang nahaharap sa kanselasyon ng lisensya at iba pang parusa matapos mang-harass ng babaeng pasahero.
“Magtulungan tayo upang patuloy na maging maayos ang serbisyo ng ating pampublikong transportasyon. Sa panig ng LTFRB, mananatili kaming tagapagtanggol ng interes ng mga mananakay,” pagtatapos ni Mendoza. (PAUL JOHN REYES)