• November 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: November 22, 2025
    Current time: November 22, 2025 11:59 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB NAGBABALA sa mga PUV driver, operator ba sunduin ang batas hinggil sa 29% fare discount lalo na sa mga estudyante

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs) na mahigpit na sundin ang umiiral na batas hinggil sa 20% fare discount, lalo na para sa mga estudyante.
Ipinahayag ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang babala matapos makatanggap ng mga reklamo na ilang sasakyang pampasahero ang hindi nagbibigay ng 20% discount tuwing long weekends at sa mga nagdaang class suspensions.
“Napakalinaw ng batas tungkol dito. Dapat may discount ang mga estudyante kahit sa mga holiday basta’t sila ay naka-enroll,” ani Chairperson Mendoza, na idinagdag na ang babala ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang matiyak ang kapakanan ng mga estudyante.
Tinukoy niya ang Republic Act 11314, o “An Act Institutionalizing the Grant of Student Fare Discount Privileges on Public Transportation.”
Ayon sa Seksyon 4 ng Batas: “Ang fare discount na ipinagkakaloob sa ilalim ng Act na ito ay dapat ipatupad sa buong panahon ng enrollment ng estudyante, kabilang ang weekends at holidays.”
“Kaya’t muli naming pinaaalalahanan ang mga operator at driver na mahigpit na sundin ang batas. Kung wala man kayong anak o kamag-anak na estudyante, lahat tayo ay dumaan sa buhay estudyante,” dagdag ni Chairperson Mendoza.
“Kaya umayos kayo dahil kung hindi, ako mismo ang mag-aasikaso ng mga kaso laban sa inyo para hindi lang kayo magmulta kundi mawalan pa kayo ng prangkisa,” mariing babala niya.
Batay sa batas, ang pinakamataas na parusa para sa mga PUV driver ay tatlong buwang suspensyon ng driver’s license at multang ₱1,000 sa bawat paglabag.
Samantala, ang operator ay maaaring pagmultahin ng hanggang ₱15,000 at mabawi ang Certificate of Public Conveyance.
Hinimok din ni Chairperson Mendoza ang mga estudyante na magsampa ng reklamo sa LTFRB sa pamamagitan ng Hotline 0956-761-0739 o sa mga social media account ng LTFRB.
Ipinanawagan din niya ang parehong hakbang sa iba pang benepisyaryo ng fare discounts gaya ng senior citizens at persons with disabilities.
(PAUL JOHN REYES)