• January 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, NAGBABALA SA MGA DRIVER AT OPERATOR LABAN SA PAGGAMIT NG PEKENG PAs AT CPCs

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, sa mga driver at operator laban sa paggamit ng pekeng Provisional Authority (PA) at Certificate of Public Conveyance (CPC) matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pagdami nito lalo na sa mga probinsya.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa iba pang law enforcement agencies para magsagawa ng random document checking sa mga public utility vehicles (PUVs), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran para sa kaligtasan sa kalsada at kapakanan ng mga komyuter.

“Nakakatanggap kami ng mga ulat tungkol sa pekeng PA at CPC at isa ito sa mga bagay na tinututukan namin, kabilang ang paggamit ng teknolohiya sa pamamagitan ng digitalization bukod pa sa mas pinaigting na law enforcement na ginagawa na natin nitong mga nakaraang buwan,” ani Chairperson Mendoza.

“Kaya’t binabalaan namin ang mga sangkot sa ilegal na gawaing ito na tumigil na at gawin ang tama. Dahil kapag nahuli namin kayo, tiyak na magsisisi kayo dahil katakot-takot na kaso ang isasampa namin laban sa inyo”, dagdag pa ni Mendoza.

Ibinahagi rin ni Mendoza ang kaso ng isang transport company na ginamit ng ilang mapagsamantalang may-ari ng sasakyan ang PA para sa kanilang ilegal na operasyon. Sa paunang imbestigasyon, napatunayang pekeng PA ito dahil ang nakapirmang si Joshua Viray ay hindi na konektado sa ahensya.

Patuloy ang imbestigasyon at tiniyak ni Mendoza na hahabulin ang mga sangkot, ipinaliwanag pa niya na ang paggamit ng pekeng PA at CPC ay mas mabigat kaysa sa colorum dahil ito ay may kasamang panlilinlang at pamemeke ng dokumento.

Kasama sa anti-colorum operations ang pag-impound ng mga sasakyan, at kasalukuyang nakikipagpulong ang LTFRB at DOTr sa Department of Justice upang mas palakasin pa ang kampanya laban sa colorum. Bukod sa pagtatalaga sa korte bilang tanging entidad na maaaring magpalabas ng impounded vehicle, isinusulong din ng LTFRB ang agarang pagkakakulong ng mga mahuhuli.

Para sa mga gumagamit ng pekeng PA at CPC, sinabi ni Mendoza na may karagdagang kaso at multa dahil ito ay may kinalaman sa pamemeke ng pampublikong dokumento.

“Nakikipagpulong na kami sa iba’t ibang stakeholders, kabilang ang mga transport groups, upang mas paigtingin ang pag-uulat laban sa mga gumagamit ng pekeng PA at CPC, Dapat itong maging sama-samang pagkilos ng pamahalaan, sektor ng transportasyon, at mga stakeholders dahil ang nakataya dito ay ang kaligtasan ng mga komyuter, ang kabutihan ng ating transport system, at ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.” ani Mendoza.

Tiniyak din ni Chairperson Mendoza ang pagpapabilis ng aksyon laban sa mga gumagamit ng pekeng PA at CPC.
(PAUL JOHN REYES)