• February 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, NAG-ISYU NG SCO VS PUV TERMINAL NA MATATAGPUAN MALAPIT SA 2 POPULAR QC MALLS

NAGLABAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng show cause order (SCO) laban sa mga operator at manager ng mga public utility vehicle (PUV) terminal na matatagpuan malapit sa dalawang kilalang mall sa Quezon City, bilang bahagi ng patuloy na kampanya upang matiyak ang ligtas at komportableng serbisyo para sa mga mananakay.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang mga PUV terminal na sakop ng Ayala Malls Cloverleaf at Trinoma Mall ay natukoy na kulang sa mga pasilidad na kinakailangan para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.

“Malinaw ang aming mensahe: ayusin ninyo ang dapat ayusin upang matiyak ang pagsunod sa regulasyon, o humarap sa kaukulang parusa dahil sa pagpapabaya sa mga pasaherong dapat ninyong pinaglilingkuran,” ani Chairperson Mendoza.
“Ito ay bahagi ng nationwide operation at ito na ang bagong normal sa ating patuloy na pagtataguyod ng kapakanan at karapatan ng mga mananakay.”

Ang mas pinaigting na operasyon laban sa mga hindi sumusunod na PUV terminal ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kapakanan ng mga Pilipinong komyuter.

Batay sa ulat ng LTFRB inspection team, parehong terminal ay natukoy na hindi sumusunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon:

• PUV terminal malapit sa Ayala Malls Cloverleaf• Kakulangan ng bubong para sa proteksyon ng mga pasahero
• Hindi sapat na upuan para sa mga naghihintay
• Kawalan ng malinaw na gabay sa biyahe at dispatching
• Kawalan ng information at passenger assistance counters
• Inatasan din ang operator na kumuha ng kaukulang permit mula sa lokal na pamahalaan at maglatag ng security plan

• PUV terminal malapit sa Trinoma Mall• Kawalan ng information at passenger assistance counters
• Kakulangan ng komportableng upuan para sa mga naghihintay
• Kawalan ng priority lanes para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs)

Inatasan ang parehong terminal managers na magpaliwanag sa pamamagitan ng nakasulat na sagot kung bakit hindi dapat ipasara ang kanilang mga pasilidad dahil sa mga paglabag. Sila rin ay obligadong dumalo sa pagdinig sa Marso 18, 2026. (PAUL JOHN REYES)