• February 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB MAGSASAGAWA NG WEEKLY HEARING KAUGNAY NG MGA PETISYON PARA SA DAGDAG-PASAHE

MAGSASAGAWA ng serye ng mga pagdinig at pampublikong konsultasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng mga petisyon para sa dagdag-pasahe.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang balanseng konsiderasyon sa kapakanan ng mga mananakay at ng sektor ng transportasyon.
“Magsasagawa kami ng dalawang pagdinig sa susunod na linggo upang talakayin ang lahat ng isyung nakapaloob sa mga petisyon para sa dagdag-pasahe. Pagkatapos nito, lingguhang pagdinig ang isasagawa hinggil sa naturang usapin,” ani Chairman Mendoza.
Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, gayundin ang gastusin sa maintenance kabilang ang mga piyesa ng sasakyan, ang nagtulak sa iba’t ibang transport group na magsumite ng mga petisyon para sa dagdag sa minimum na pasahe.
Kinilala ni Chairman Mendoza ang mga pangamba ng transport groups matapos na mapatotohanan ng LTFRB sa kanilang beripikasyon at pag-aaral ang mga argumento sa mga petisyon.
Bagama’t patuloy na naghahanap ng paraan ang LTFRB upang maiwasan ang dagdag-pasahe dahil sa epekto nito sa inflation rate ng bansa, sinabi ni Mendoza na ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis nitong mga nakaraang linggo ay muling nagbukas ng diskusyon sa mga petisyon.
“Nasa alanganin talaga ang mga driver at operator sa kasalukuyang fare matrix. Ang mga argumento sa petisyon ay makatotohanan at sumasalamin sa kalagayan ng sektor ng transportasyon,” dagdag pa niya.
Ang huling aprubadong dagdag-pasahe ay noong Oktubre 2023, kung saan ipinagkaloob ang P1 provisional increase—isang kompromiso dahil patuloy pang bumabangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.
Mula noon, ilang petisyon na ang inihain sa LTFRB, kabilang ang pinakahuli noong Oktubre 2024 ng tatlong pangunahing transport group. Sa buod ng mga petisyon, hinihiling na gawing permanente ang P1 provisional increase at dagdag na P2 sa minimum fare—mula sa kasalukuyang P13 tungo sa P15 para sa tradisyunal na jeepney, at mula P15 tungo sa P17 para sa modern jeepney. Kasama rin sa petisyon ang karagdagang singil sa bawat kilometro lampas sa apat na kilometrong sakop ng minimum fare.
“Nauunawaan namin na anumang dagdag sa pasahe ay may epekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mananakay na umaasa sa jeepney bilang abot-kayang transportasyon. Ngunit kailangan din nating tiyakin na ang mga driver at operator ay may kakayahang magpatuloy sa ligtas at maaasahang serbisyo sa kabila ng tumataas na gastusin, at naipagpapatuloy din nila ang pagtustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya,” ani Mendoza.
“Lahat tayo ay apektado ng pagtaas ng presyo, ngunit tungkulin ng pamahalaan na tiyakin na lahat ng sektor ng lipunan ay makakayanan ito,” dagdag pa niya.
Mag-iimbita rin ang LTFRB ng mga eksperto upang magbigay ng mas malalim na pananaw sa epekto ng dagdag-pasahe, partikular sa ekonomiya. Makikipag-ugnayan din sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), upang makabuo ng solusyong makakabuti sa parehong commuters at transport sector.
Bukod sa passenger jeepneys, humihiling din ng dagdag-pasahe ang mga bus at taxi. (PAUL JOHN REYES)