LTFRB INILUNSAD ANG PROGRAMANG KOMYU-KONEK PARA MAPABUTI ANG SERBISYO NG MGA PUVs
- Published on March 4, 2026
- by @peoplesbalita
INILUNSAD ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangangasiwa ni DOTr Kalihim Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang programang Komyu-Konek noong Lunes, Marso 2. Layunin ng programang ito na hikayatin ang mga pasahero na makiisa sa kolektibong pagsisikap na mapabuti ang serbisyo ng mga pampublikong sasakyan (PUVs).
Ang Komyu-Konek ay nagtataguyod ng aktibong pakikilahok ng mga commuter sa pagtuturo ng mga pag-abuso at pagkukulang ng mga PUV sa pamamagitan ng mas pinatibay na hotline at iba pang plataporma para sa reklamo.
Binibigyang-diin ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang kahalagahan ng kamalayan ng publiko sa karapatan ng mga pasahero, gayundin ang kanilang kooperasyon sa pag-uulat ng mga paglabag.
“Karapat-dapat ang mga pasahero sa mas maayos at mas ligtas na transportasyon. Hindi puwede yung puwede na,” ani Chairperson Mendoza sa paglulunsad sa Marikina.
Dagdag pa niya:
“Malinaw ang utos ng ating Pangulo: kailangang mapabuti ang pampublikong transportasyon upang mahikayat maging ang mga may-ari ng sasakyan na mag-commute. Ang programang ito ay malaking tulong sa layuning iyon.”
Mga Layunin ng Komyu-Konek
• Mas mapadali ang proseso ng pagrereklamo at pagtugon ng LTFRB.
• Target ang mga pasaway na drayber, bulok na PUV, at mga terminal na may sira o maruming pasilidad.
Mga Paraan ng Pagrereklamo
• Hotline: 0956-761-0739 (Viber-compatible para sa photo at video submissions)
• Social Media: LTFRB Facebook at X (dating Twitter) accounts
• Email: pacd@ltfrb.gov.ph at complaints@ltfrb.gov.ph
• Personal na Pagbisita: LTFRB regional offices
Kaugnay nito, sinabi ni Chairperson Mendoza na ang Komyu-Konek ay katuwang ng kasalukuyang kampanya laban sa mga bulok na PUV at terminal.
Noong nakaraang weekend, ipinatawag ng LTFRB ang ilang operator ng taxi at bus dahil sa “unsanitary at unsightly” na mga unit. Mahigit 120 notice of violation at show cause orders naman ang ipinalabas laban sa mga operator ng bus at terminal.
“Bahagi ito ng ating pangkalahatang pagsisikap na mapabuti ang pampublikong transportasyon. Ang tulong at kooperasyon ng mga pasahero ay mahalagang bahagi upang makamit ang layuning ito,” pagtatapos ni Chairperson Mendoza.
(PAUL JOHN REYES)