• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, INAPRUBAHAN ANG PAGBUBUKAS NG 8,750 TNVS SLOTS PARA SA NCR, ILOCOS REGION AT BICOL

INAPRUBAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang pagbubukas ng 8,750 slots para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa Metro Manila, Ilocos Region at Bicol upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa pampublikong transportasyon.

Pinakamalaki ang alokasyon sa Metro Manila na may 7,500 slots, bunsod ng lumalaking demand na dulot ng pagdami ng turista at pagsigla ng iba pang aktibidad pang-ekonomiya sa National Capital Region.

Binigyang-diin naman ni Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr. na ang 7,500 slots sa Metro Manila ay eksklusibo para sa electric vehicles, kabilang ang Plug-in Hybrid Electric Vehicles (PHEVs) at Battery Electric Vehicles (BEVs).

Alinsunod sa LTFRB Memorandum Circular 2026-084, hindi kwalipikado ang conventional internal combustion engine (ICE) vehicles, hybrid electric vehicles (HEVs) na hindi PHEV, at iba pang vehicle technologies na hindi pasok sa BEV o PHEV classification. Ang klasipikasyon ay ibabatay sa registration ng LTO at iba pang umiiral na pamantayan at kautusan ng pamahalaan.

Ayon kay Acting Chairman Pua, naaayon ang hakbang na ito sa direksyon ng pambansang pamahalaan tungo sa isang makabago at environment-friendly na pampublikong transportasyon.

Sa kanyang State of the Nation Address, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang suporta ng pamahalaan sa modernong pampublikong transportasyon at layuning kalahati ng lahat ng sasakyang bumibiyahe sa mga kalsada ay electric vehicles pagsapit ng 2040.

Sa pag-apruba ng karagdagang TNVS slots, tiniyak umano ng LTFRB na isinaalang-alang ang layunin ng pambansang pamahalaan na isulong ang paggamit ng electric vehicles sa pampublikong transportasyon.

Sa Ilocos Region, 650 slots ang binuksan, kalahati nito ay nakalaan para sa electric vehicles. Sa Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union, tig-150 slots ang inilaan—75 para sa ICE at 75 para sa non-ICE vehicles—habang 200 slots naman ang inilaan sa Pangasinan, tig-100 para sa ICE at non-ICE vehicles.

Sa Bicol Region, 600 TNVS slots ang inaprubahan, kalahati nito ay nakalaan din para sa electric vehicles, batay sa LTFRB MC 2026-86.

“Sa LTFRB, sensitibo tayo sa mga kahilingan at pangangailangan ng publiko. Ang pagbubukas ng mga slots ay suporta rin sa agresibong pagsusulong ng pamahalaan sa pag-unlad ng ekonomiya sa buong bansa,” ani Acting Chairman Pua.

Ayon sa LTFRB, magsisimula ang pagtanggap ng aplikasyon para sa mga available na slots kapag nailathala na sa newspaper of general circulation ang mga memorandum circular na may kaugnayan sa naturang desisyon. (PAUL JOHN REYES)