• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB HINIMOK ANG MGA TRANSPORT GROUP AT OPERATOR NA TIYAKING MAAYOS ANG KONDISYON NG KANILANG MGA PUV

HINIMOK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang lahat ng transport groups at operator na tiyakin ang maayos na kondisyon ng kanilang mga pampublikong sasakyan (PUVs) kaugnay ng nalalapit na mahigpit na pagpapatupad ng polisiya na magbabawal sa pag-renew ng prangkisa ng mga bulok at sirang yunit.

Binanggit ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na ang pagpapanatili ng maayos at presentableng PUVs ay hindi lamang kondisyon para sa pag-isyu ng Certificate of Public Conveyance (CPC), kundi isang paraan din ng pagbibigay-galang sa mga pasahero.

“Hindi natin papayagan na bastusin ang mga Pilipinong commuter sa pamamagitan ng bulok na jeepney at iba pang PUVs. Hindi na uubra yan ngayon dahil nakataya rin dito ang kaligtasan ng mga pasahero,” ani Chairman Mendoza.

Ang kampanyang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na higit pang pagbutihin ang mass transport system sa bansa, na nakatuon sa kapakanan at kaginhawaan ng mga commuter.

Nauna nang ipinahayag ni Chairman Mendoza ang mas pinaigting na kampanya laban sa mga bulok na PUVs matapos ang mga reklamo at personal na karanasan sa mga jeepney at iba pang sasakyang pampubliko na marumi at sira-sira.

Ang naturang polisiya ay kasalukuyang binubuo at isusumite sa tanggapan ni Secretary Lopez para sa pagsusuri at pag-apruba. Binigyang-diin ni Mendoza na dapat nang kumilos ang mga operator at kumpanya upang masuri ang kanilang mga yunit, dahil hindi na papayagang makabiyahe ang mga bulok na PUVs.

“Hindi natin ipi-phase out ang passenger jeepneys sa kampanyang ito. Ang gusto lang natin ay ayusin nila at huwag ipilit na butas-butas ang upuan at bakbak na ang pintura,” dagdag pa ni Mendoza.
“Bigyan naman natin ng respeto ang ating mga pasahero at dignidad ang ating public transportation.”

Hinimok din ni Mendoza ang mga transport groups na obligahin ang kanilang mga driver na maging presentable, matapos ang mga reklamo na ang ilan ay nagsusuot ng sando, shorts, at tsinelas habang nagmamaneho. (PAUL JOHN REYES)