• April 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB hinikayat ang mga pasahero na iulat ang anumang overpricing sa pamasahe ng mga taxi at ride-hailing services

HABANG dumarami ang mga pasaherong tumutungo sa mga terminal ng bus at iba pang transport hubs upang gunitain ang Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa sa Nobyembre 1 at 2, nanawagan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Acting Secretary ng Department of Transportation Giovanni Z. Lopez, sa lahat ng pasahero na isumbong ang anumang overpricing sa pamasahe ng mga taxi at ride-hailing services.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, inaasahang magiging maagap ang lahat ng regional offices ng ahensya sa pagtugon sa mga reklamo ng pasahero, maging ito man ay ipinaabot sa pamamagitan ng hotline o social media, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyaking ligtas at maginhawa ang paglalakbay ng mga Pilipino ngayong Undas.

“Panahon na naman ng mga biyahe ng ating mga kababayan, at panahon na naman ng pananamantala ng iilang nasa transport sector, lalo na yung mga taxi na nangongontrata,” ani Chairman Mendoza.

“Sa ating mga kababayang pasahero, huwag po nating hayaan na maging normal na lamang ang ganitong kalakaran. Bawal po ito, kaya magtulungan tayo upang mahuli ang mga abusadong driver,” dagdag pa niya.

Ipinahayag din ni Chairman Mendoza na makikipag-ugnayan ang LTFRB sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa deployment sa mga bus station at transport hubs, lalo na sa Metro Manila at iba pang urban areas.

Kanyang tiniyak ang pagpapatuloy ng operasyon laban sa mga pasaway na taxi driver at iba pang PUV driver sa Ninoy Aquino International Airport.

“Palalawigin pa natin ito sa mga terminal ng bus, pantalan, at iba pang lugar kung saan karaniwang nagkakatipon ang mga pasahero tuwing mahahabang bakasyon gaya ng Undas,” ani Mendoza.

“Ito ang bilin ng ating Secretary Banoy Lopez na dapat ay nararamdaman ng ating mga pasahero ang presensiya ng pamahalaan sa kanilang paglalakbay upang agad na matugunan ang kanilang mga hinaing at reklamo,” diin pa niya.

Ang mga reklamo ay maaaring ipasa sa LTFRB nationwide hotline: 09567610739.

Dagdag pa ni Chairman Mendoza, maaaring i-tag ng mga pasahero ang LTFRB at DOTr social media accounts para sa anumang larawan o video na may kaugnayan sa pang-aabuso ng mga PUV driver. (PAUL JOHN REYES)