• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB HINIKAYAT ANG MGA DRIVER AT OPERATOR NA MAGKAROON NG E-WALLET PARA MAS MABILIS ANG PAGTANGGAP NG AYUDA

HINIKAYAT ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang mga tsuper at operator na magkaroon ng e-wallet account upang mas mabilis at mas maginhawa ang pagtanggap ng ayuda.

Para naman sa mga walang kakayahan o hindi komportable sa paggamit ng e-wallet, maaari silang tumungo sa mga nakatakdang lugar ng distribusyon.

Ipinaliwanag ni LTFRB Chairperson Vigor D. Mendoza II na ang paggamit ng e-wallet ay pinakamabilis at pinakakomportableng paraan ng pagtanggap ng fuel subsidy dahil hindi na kinakailangang pumila nang matagal sa mga distribution venues.

“Lagi naming hangad na maibigay ang pinakamahusay na serbisyo, alinsunod sa utos ng Pangulo at ni Secretary Banoy. Sa aming panig, ang distribusyon sa pamamagitan ng e-wallet ang pinakamainam na paraan,” ani Chairperson Mendoza.

Kasalukuyang isinasagawa ng LTFRB ang mga paghahanda para sa implementasyon ng Fuel Subsidy Program na layong magbigay ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong operator at tsuper ng pampublikong transportasyon sa buong bansa, sa gitna ng matinding epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Inimbitahan na rin ng ahensya ang lahat ng kwalipikadong Electronic Money Issuers (EMIs) upang magsilbing Payment Channel Providers para sa mas episyente, ligtas, at transparent na distribusyon ng fuel subsidy assistance sa mga benepisyaryo ng programa.

Nagsimula na ang distribusyon ng fuel subsidy nitong Martes sa Metro Manila, na unang nakinabang ang mga tsuper ng traysikel.

Ayon kay Chairperson Mendoza, inatasan na niya ang lahat ng Regional Directors na pangunahan ang pag-update at pagsusumite ng data kaugnay ng distribusyon ng fuel subsidy sa kani-kanilang nasasakupan.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa lahat ng hinaing ng mga benepisyaryo.

“Mas mapapabilis ang lahat ng proseso kung magtutulungan tayo. Sa panig ng pamahalaan, ginagawa namin ang lahat ng hakbang upang mapadali ang distribusyon,” dagdag pa ni Chairperson Mendoza.
(PAUL JOHN REYES)