LTFRB GAGAMITIN ANG ‘WORKING DAYS’ SA COMPLIANCE PERIOD SA LAHAT NG PATAKARAN AT REGULASYON NG AHENSYA
- Published on January 19, 2026
- by @peoplesbalita
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na unahin ang kapakanan ng mga Pilipino sa lahat ng serbisyo ng pamahalaan, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Giovanni Z. Lopez ng Department of Transportation (DOTr), ay naglabas ng memorandum na nagbibigay ng malinaw na depinisyon sa compliance period sa lahat ng polisiya at regulasyon ng ahensya.
Ipinahayag ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na ang Memorandum Circular 2026-001 ay magtatakda ng paggamit ng “working days” bilang batayan sa pagtupad sa mga regulasyon ng Board.
“Ito ay upang maiwasan ang kalituhan sa ating mga kliyente dahil ang kasalukuyang prescriptive period ay nagdudulot ng abala sa publiko, lalo na sa ating mga kliyente,” ani Chairperson Mendoza.
Dagdag pa niya, malinaw ang direktiba ng DOTr Secretary Lopez:
“Malinaw ang direktiba ng ating DOTr Secretary Banoy Lopez: Tiyakin na ang lahat ng rules and regulations ay maliwanag at laging isasaalang-alang ang kapakanan ng ating mga kababayan.”
Sa memorandum na may petsang Enero 15 at nilagdaan ng LTFRB Board, tinukoy ang kahulugan ng working days kumpara sa calendar days upang maiwasan ang kalituhan sa lahat ng kawani ng LTFRB, lalo na sa mga nakatalaga sa frontline services.
Ayon sa circular, ang working days ay tumutukoy sa anumang araw maliban sa Sabado, Linggo, o mga itinakdang non-working holidays.
“Kaya’t ang Sabado, Linggo, at mga non-working holidays ay hindi kasama sa bilang ng compliance period,” nakasaad sa memorandum.
Ang Memorandum Circular ay agad na magkakabisa matapos itong mailathala sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon at maipasa ang tatlong kopya sa UP Law Center.
“Umaasa kami na ito ay makapagbibigay-linaw sa lahat ng tao, lalo na sa ating mga kliyente,” ani Chairperson Mendoza.
“Mahalaga sa bawat polisiya o kautusan na ang prescriptive period ng compliance ay malinaw, makatarungan, at patas upang maiwasan ang anumang kalituhan at abala sa lahat ng stakeholders,” dagdag pa niya. (PAUL JOHN REYES)