Lolo, arestado sa droga sa Valenzuela
- Published on September 29, 2025
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang 59-anyos na lalaki nang maaktuhang nakikipagtransaksyon sa illegal na droga habang nakatakas naman ang katransaksyon nito sa Valenzuela City.
Batay sa report, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang mga tauhan ng Valenzuela Police Acting P/Col. Joseph Talento na may nagaganap umanong bintahan ng illegal na droga sa N. Urrutia St., Brgy. Arkong Bato.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Polo Police Sub Station 5 at naaktuhan ng mga ito ang dalawang lalaki na nag-aabutan umano ng illegal na droga dakong alas-8:30 ng gabi.
Gayunman, nang mapansin ng isa sa mga suspek ang presensya ng mga pulis ay agad itong kumaripas ng takbo para tumakas habang nagawa namang maaresto si alyas “Francis”, residente ng Brgy. Longso, Malabon City.
Nakumpiska sa kanya ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng nasa 1.8 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P12,240 at P200 cash.
Sinampahan na ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)