LOCKDOWN SA MAYNILA, PINAGHAHANDAAN
- Published on July 30, 2021
- by @peoplesbalita
NAGHAHANDA na ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang posibleng pagpapatupad ng lockdown sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 Delta variant sa bansa.
Nagpatawag ng emergency meeting si Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kasama si Vice Mayor Ma. Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan at iba pang local government health officials upang talakayin kung paano mapagaan ang pagkalat ng Delta variant.
Inatasan ng alkalde ang Manila Disaster and Risk Reduction Management Office, Manila Barangay Bureau, at Manila Police Department na alertuhin ang kanilang tauhan sakaling kakailanganin ang granular lockdown.
Nakipag-ugnayan na rin ang alkalde sa anim district hospitals, Manila COVID-19 Field Hospital at Manila Health Department sakaling may panibagong surge ng kaso ng COVID-19
“Ayaw na nating marinig na may mga namatay sa parking lot dahil wala nang space sa ospital. Grabeng dagdag pasakit ‘yun,” pahayag ni Domagoso .
“Kaya ngayon na may Delta variant, it’s a good thing that we have a facility that can serve the public. Welcome po ang lahat dito,” dagdag na pahayag pa ng alkalde
Sinabi ni Domagoso na ang Mania LGU ay magpapatuloy upang mapigilan ang posibleng pagtaas ng impeksyon ng COVID-19 sa mga residente.
“The City of Manila has actually been preparing for the worst case scenario over the past few months. Kahit nung hindi pa nagka-surge, we have kept on adding to our quarantine facilities and other resources in response to the pandemic. Hindi talaga dapat maging kampante,” ayon pa kay Domagoso
Ngayong Miyerkules hanggang alas 12 ng tanghali, nasa 642 active cases at 66,582 recoveries ang naitala.
Ang anim na district hospitals ay kasaukuyang nasa 32% ang bed capacity occupancy rate; 65% bed capacity occupancy rate para naman sa Manila COVID-19 Field Hospital; at 9% occupancy rate para sa COVID-19 quarantine facility. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)