• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 4:12 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Lobby ng pribadong paaralan inararo ng SUV, 6 estudyante,1 staff, sugatan

PITO, kabilang ang anim na estudyante ang sugatan matapos araruhin ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) ang lobby ng isang pribadong paaralan sa Caloocan City, Huwebes ng hapon.
Lumabas sa imbestigasyon na nasa lobby ng Basic Education Building ng Manila Central University (MCU) Campus sa Brgy. 81, ang mga biktima na pauwi na sana matapos ang kani-kanilang klase nang biglang humarutot ang isang SUV na may plakang TQK 469 dakong alas-4:23 ng hapon papasok sa gusali na dahilan upang mahagip ang mga estudyante.
Kaagad dinala sa MCU Hospital ang mga biktima sina alyas “Hayley”, 8, at amang si alyas “Mark”, 37, na estudyante rin sa paaralan, alyas ” Xaria”, 8, alyas “Marica” 13, alyas Mattheus” 17, alyas “Patrick” 18, at ang faculty staff ng paaralan na si alyas “Nesh”, 35, na pawang nagtamo ng mga pasa at sugat sa kani-kanilang katawan.
Kusang loob naman na sumuko ang 70-anyos na driver ng SUV na si alyas “Lolo Manny”, residente ng Brgy. 84, na susundo sana sa kanyang babaing apo na nag-aaral din sa naturang paaralan at inako ang kasalanan na aniya ay hindi niya kagustuhan.
Sa pahayag ng driver kay Caloocan Acting Chief of Investigation and Detection Management Section (IDMS) P/Capt. Rommel Caburog, paparada na sana siya sa tapat ng entrance ng gusali ng paaralan nang hindi niya sinasadyang matapakan ang silinyador ng sasakyan na dahilan upang nagdire-diretso ito sa loob ng gusali.
Mabuti aniya ay nakabig pa niya sa kaliwa ang manibela nang mamataan niya ang napakaraming estudyanteng naglalabasan na sa gawing kanya. “Buti at nakabig ko sa kaliwa, kung hindi, ang daming mga batang masasagi,” pahayag ni lolo Manny.
Bagama’t handa ang driver na tulungan sa gastusin sa ospital ang mga biktima, sasampahan pa rin siya ng pulisya kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injures at damage to property sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)