Loan para sa Evehicle ibinibigay ng DTI para sa mga PUVs
- Published on May 27, 2026
- by Francis Paolo Torres
INIHAYAG ng Department of Trade and Industry (DTI) na may programa ang kanilang ahensiya para magbigay at magpautang sa mga drivers at operators ng mga public utility vehicles (PUVs) na gagamit ng electric vehicle (Evehicle). Nagbigay sa unang pagkakataon ng loan sa mga drivers at operators ng PUVs ang DTI sa ilalim ng programang P2 billion E-Transport Loan. Mayroong labing-tatlong (13) kooperatiba ang nabigyan ng P3 milyon na pautang bawat isa upang palitan na ang mga traditional jeepneys at gamitin ang E-vehicle.
Ang unang batch ay mga drivers at operators na kung saan ibibili nila ng 2 E-vehicle para gamitin bilang pampublikong transportasyon. “The loan which is being facilitated by our attached agency, the Small Business Corporation, will help public utility drivers and even transport network vehicle service (TNVS) drivers to shift to electric vehicles, which also include electric motorcycles,” wika ni DTI secretary Cristina Roque.
Sa ilalim ng programa ay sa loob ng isang (1) taon ay wala munang babayaran na interest mula sa principal loan upang ang mga operators at drivers ay makausad muna dahil mayroon pang krisis at ayaw ng pamahalaan na mahirapan sila. Ang interest ay 6.7 percent kada taon. Ang nasabing programa ay magbibigay ng suporta sa mga small transport operators upang mag shift sa paggamit ng electric vehicles.
Ang utang ay babayaran sa loob ng 5 taon. Kasama sa mga qualified na beneficiaries ay ang mga valid na jeepney operators ganon din ang mga affiliated sa kumpanya tulad ng Grab Philippines, JoyRide Philippines, InDrive kung saan sila ay maaaring makakuha ng pautang hanggang P1.5 million kada sasakyan o di kaya ay hanggang P3 million kada beneficiary.
Si Pasang Masda National President Obet Martin ay nagalak sa nasabing programa ng pamahalaan at sinabing maaari na nilang simulan ang pagpapalit ng mga traditional jeepney upang maging E-vehicle na. Kasabay din niyang sinabi na dahil mataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigan, ang programa ay isang pagkakataon upang gumamit na sila ng E-vehicle.Ang naunang batch ng programa ay katuwang ang Global Electronic Transport (GET) Philippines kung saan sila rin ang naglungsad ng “Love Bus” na E-vehicles na tumatakbo sa ilang lugar ng Metro Manila. Dagdag naman ni Roque na mas maraming drivers at operators ang maeengganyo na kumuha ng loan para sa E-vehicles at umaasa siya na mas tataas pa ang pondo ng programa at magiging P2 billion. (LASACMAR)