Listahan ng sertipikadong fireworks inilabas ng DTI
- Published on December 30, 2025
- by @peoplesbalita
NAGPAALALA ang Department of Industry (DTI) sa publiko na bumili at gumamit lamang ng sertipikadong fireworks para sa ligtas na pagdiriwang ng Bagong Taon 2026.
Binigyang-diin ng DTI na dapat tiyakin na mayroong Philippine Standard Quality Mark ng DTI-Bureau of Philippine Standards (BPS) at alamin ang manufacturers.
Maaaring pagbatayan ang updated DTI BPS Certified Fireworks na may petsang Disyembre 26, 2025 o magtungo sa link na bit.ly/BPSFireworks2025.
Pinaalalahanan din ng DTI ang publiko na maingat na basahin at sundin ang mga tagubilin kapag nagsindi ng paputok at huwag gamitin ang mga ito kapag may pagdududa sa kaligtasan ng mga tao.
Hindi rin ligtas ang pagpulot sa mga hindi sumabog na paputok at huwag ipanakot sa ibang tao.
Pinayuhan din na panatilihing nakasara ang mga pinto at bintana upang makatiyak na walang makapasok na ligaw na paputok.
Gumamit ng stick na mahaba sa pagsisindi, magsuot ng cotton o denim na hindi madaling kapitan ng baga o apoy, magsapatos sa halip na tsinelas at magsuot ng salamin o goggles para sa kaligtasan.