• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 6:09 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Limpak-limpak na pera sa DPWH-Bulacan inilantad sa Kamara

INILANTAD ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Assistant Engineer Brice Hernandez ang umano’y limpak-limpak na perang nakatambak sa kanilang opisina, na bahagi raw ng mga transaksyon sa flood control projects.
Sa pagdinig ng House Infrastructure Committee nitong Martes, ipinakita ni Hernandez ang litrato ng mga nakasalansang cash na aniya’y kuha sa Bulacan First District Engineering Office noong 2022 o 2023.
Sinabi ni Hernandez na natuwa lamang umano siya kaya kinunan ng larawan ang bulto-bultong halaga ng pera na nakalatag sa mesa.
“‘Yung half body po, si Boss Henry Alcantara ko po ‘yun,” pahayag ni Hernandez habang tinutukoy ang isang tao sa larawan.
Aniya, bawat tumpok ng pera ay may nakalaang tatanggap. “Kung makikita niyo po, magkakahiwalay ‘yung pera. May mga designated person po na pagbibigyan niyan.”
Nang tanungin ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio kung normal ba ang ganitong kalaking halaga ng cash sa isang opisina ng gobyerno, diretsong sagot ni Hernandez: “Sa office po namin, normal po ‘yan.”
Dagdag pa niya, hindi niya alam kung sino ang aktuwal na tumatanggap ng pera dahil inuutos lang umano sa kanila na ayusin at ihiwalay ang halaga para sa mga tinutukoy na proponent.
Ibinahagi rin ni Hernandez ang isa pang litrato, kuha umano sa isang private residence malapit sa kanilang opisina, kung saan makikitang may bulto rin ng pera.
Ayon kay Hernandez, kaibigan ni Alcantara ang may-ari ng naturang bahay. ( Daris Jose)