• March 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Liderato ng Kamara, kinondena ang ginawang pagsuway ni VP Sara Duterte

KINONDENA ng liderato ng Kamara ang ginawang pagsuway ni Vice President Sara Duterte sa rules ng kongreso sa ginawa nitong pananatili ng magdamag para samahan ang kanyang chief-of-staff.

 

 

Nagpahayag din ng pagka- alarma sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose Dalipe at Deputy Speaker David Suarez sa pagtanggi ni Duterte na umalis ng Kamara matapos bisitahin ang kanyang nakakulong na chief-of-staff, Atty. Zuleika Lopez, kahit lagpas na ng visiting hours.

 

 

“Binuksan namin ang pinto ng malasakit para sa kanya, binigyan siya ng espesyal na pahintulot na bisitahin si Atty. Zuleika Lopez… kahit lampas na sa regular na oras ng pagbisita,” nakasaad sa statement.

 

 

Lumabas pa sa statement ang patuloy ma pagsuway ni Duterte matapos ma manatili sa kongreso kahit umabot ng alas 10 ng gabi.

 

 

Sa halip na umalis ay nagtungo ang VP sa opisina ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte, at sinaraduhan ang sarili sa loob.

 

 

“Pero pagkatapos ng oras ng pagbisita na natapos nang 10:00 ng gabi, hindi siya umalis. Sa halip, nagtuloy siya sa opisina ng kanyang kapatid na si Rep. Paolo Duterte at nagkulong doon,” pahayag ng mga ito.

 

 

Maging ang apela ng Sergeant-at-Arms kay Duterte na umalis ay hindi rin pinansin.

 

 

“Kahit ilang beses siyang pinakiusapan ng aming Sergeant-at-Arms na umalis, binalewala niya ito, dahilan para magpatupad kami ng lockdown para sa kaligtasan ng lahat at proteksyon ng institusyon,” saad pa sa statement. (Vina de Guzman)