Libreng shuttle service loop sa 3 airport terminals
- Published on June 30, 2025
- by @peoplesbalita
PINAHAYAG ng pamunuan ng NAIA Infra Corp. (NNIC) na maaaring sumakay ang
mga pasahero ng libre sa shuttle service loop sa 3 airport terminals ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals 1, 2, at 3.
Tuluy-tuloy ang serbisyo ng libreng sakay sa loob ng maghapon na may 15 minutong interval ang bawat bus.
“This service ensures convenient, safe, and cost-free transfers without the need to book or pay for separate vehicle. It is available every 15 minutes and operate on a continuous loop throughout the day,” wika ng NNIC.
Ang nasabing serbisyo ay upang maiwasan rin ang nangyayaring overcharging ng mga taxis sa mga pasahero na lilipat lamang sa kabilang airport terminals.
Kamakailan lamang ay may nangyari kung saan ang isang pasahero ay nagbayad ng P1,200 sa isang cab driver para lamang sa short trip mula NAIA terminal 1 papuntang terminal 2 na nag viral sa social media.
Dahil sa nag-viral na video, sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr)
Secretary Vince Dizon na kanila nang tinanggalan ng driver’s license ang driver at kinansela ang prangkisa ng kumpanya ng nasabing taxi.
Ang NNIC naman ay gumawa ng isang imbestigasyon sa nasabing insidente kung saan napag-alaman na ang taxi ay hindi accredited na transport provider na kukuha ng mga pasahero sa airport.
Sinabi ni Dizon na tangging ang accredited na Transport Network Vehicle Services (TNVS) lamang tulad ng Grab at Joyride Super Taxi ang pinapayagan na kumuha ng pasahero sa NAIA. Ang mga TNVS ay may centralized terminal hub sa Terminal 3.
Habang ang mga pasahero ng Terminals 1 at 2 ay pinapayuhan na sumakay
lamang sa official at accredited transport services na may booths sa arrival curbside ng nasabing terminals. Maaari rin na mag book sa mga ride-hailing app at pumunta sa mga designated pickup points ng terminals.
Ang mga metered taxis naman ay pinapayagan lamang na pumasok sa terminals para sa drop-offs upang masigurado ang access sa airport subalit hindi pinapayagan na kumuha ng o mag pick-up.
“While we are strict in transport protocols that are in place, we are still reviewing additional measures to strengthen enforcement, including tighter monitoring of drop-offs, improved curbside surveillance, and closer coordination with transport authorities,” saad ng NNIC. LASACMAR