• March 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Libreng sakay sa PUVs, aarangkada na

AARANGKADA na ngayong  Lunes (Abril 11) ang libreng sakay sa pampasaherong sasakyan sa pagpapatupad ng service contracting program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

 

 

Gayunman, ayon kay LTFRB executive director Maria Kristina Cassion na bagama’t sisimulan na bukas ang  naturang programa ito ay magiging  gradual pa lamang at hindi pa sakop ang ibang ruta. Partikular itong sisimulan sa Metro Manila.

 

 

Niliwanag pa ni Cassion na ito ay dahil sa  may iba pang passenger vehicle operators ang hindi pa nakakakumpleto sa requirements na itinakda para dito ng ahensiya.

 

 

Sa ilalim ng naturang program magkakaloob ng libreng sakay sa mga commuters sa loob ng nasa 45 hanggang 60 araw depende sa rehiyon.

 

 

Nakapaloob din dito na ang mga operator sa mga pampasaherong sasakyan, gayundin ang mga drivers na makikiisa dito ay tatanggap ng   one-time payout at weekly payments depende sa bilang ng kilometro na natakda ng pampasaherong sasakyan kapalit naman ng libreng sakay na ibibigay nila sa mga pasahero.

 

 

Ang EDSA bus ca­rousel route ang isa sa unang magbibigay ng libreng sakay.

 

 

Nasa P7 bilyon ang itinakdang budget para sa programa para sa 13,000 hanggang sa 15,000 PUVs sa may 1,000 ruta sa buong bansa.

 

 

Ilang LGU na rin ang nagpatupad ng service contracting program o libreng sakay sa mga commuters upang mapagaan ang pagparoon at parito ng mga pasahero sa kanilang destinasyon nang walang gastos.