• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 11:32 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Libreng sakay para sa manlalakbay, handog Malabon LGU

NAGPAKALAT ng 12 sasakyan para sa “Libreng Sakay” ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon, sa pamamagitan ng mga pangunahing tanggapan nito bilang paghahanda sa nakatakdang transport strike sa Setyembre 17–19, 2025, upang matiyak ang mabilis na pagkilos, kaligtasan, at kaginhawahan ng mga Malabueñong mananakay.
“Magkaroon man po ng mga transport strike na kagaya nito, tayo po ay palaging nakahanda para masiguro ang kapakanan ng Malabueño. Layunin po natin na walang hassle para sa ating mga commuters at masiguro na maayos ang trapiko sa ating lungsod, kaya ating inihanda ang Libreng Sakay na maghahatid sa kanila sa kanilang mga pupuntahan,” ani Mayor Jeannie Sandoval.
Ayon sa alkade, katuwang ng Pamahalaang Lungsod ang Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO), General Services Department (GSD), Mayor’s Complaint and Action Team (MCAT), at Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) para ihanda at pakilusin ang mga sasakyan na susuporta sa mga pangangailangan ng commuter at kaligtasan sa kalsada sa panahon ng welga.
Nakipag-ugnayan din ang lungsod sa Malabon City Police, Bureau of Fire Protection–Malabon, at mga opisyal ng barangay para patuloy na masubaybayan ang kaligtasan ng publiko sa iba’t ibang lugar.
Ang Central Command at Communications Center naman ay nananatiling ganap na gumagana para sa real-time na pagsubaybay at pagtugon.
Sinabi naman ni PSTMO Chief Ret. Col. Reynaldo Medina na nakipag-ugnayan din sila sa mga lokal na transport group kabilang ang mga operator at driver ng mga tricycle, e-trike, pedicab, at jeepney na magpapatuloy sa kanilang operasyon sa panahon ng welga.
Tiniyak ni Mayor Sandoval sa mga Malabueño na ang Pamahalaang Lungsod ay nananatiling maagap at handa sa pagbibigay ng tulong sa transportasyon at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng welga.
Hinihikayat din niya ang mga residente na gamitin ang Malabon All Hazards One Network (AHON) 24/7 Alert Application o makipag-ugnayan sa mga sumusunod na hotline 0942-372-9891 / 0919-062-5588 / (02) 8921-6009 / (02) 8921-6029 para sa mga emerhensiya at iba pang alalahanin. (Richard Mesa)