Libreng pay wards or shared room sa mga ospital ng DOH, pinag-aaralan ng pamahalaan ni PBBM
- Published on February 11, 2026
- by @peoplesbalita
PINAG-AARALAN na ngayon ng Department of Health (DoH) ang probisyon ng free pay wards o shared rooms sa DOH-run hospitals para sa mga direct contributors ng PhilHealth.
Ang inisyatiba ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tiyakin na makatatanggap ang mga Filipino ng “best possible healthcare services.”
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, bilang tugon sa hangarin ni Pangulong Marcos na walang Pilipinong mahihirapan sa mga pagamutan ay pinag-aaralan na ngayon ng DOH sa pangunguna ni Secretary Ted Herbosa ang paglabas ng department memorandum circular.
“Mag-uutos ito sa lahat ng DOH hospitals na maging zero balance billing ang mga pay wards para sa mga direct contributors ng PhilHealth,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Ang mga pay wards ay iba pa sa basic accommodation na sa kasalukuyang sakop ng zero balance billing. Tututukan po natin ito. Nais ng Pangulo ang mas maganda at mas epektibong health care para sa mga Pilipino para sa bagong Pilipinas.
( Daris Jose)