LIBRENG BOARD EXAM KAPALIT NG SERBISYO SA GOBYERNO
- Published on June 17, 2023
- by @peoplesbalita
NAG-ALOK ang pribadong sektor na sagutin ang mga gastusin para sa board review ng mga kwalipikadong nursing graduates kapalit ng apat na taon na return service sa mga ospital ng gobyerno.
Sinabi ni Health Secretary Ted y Herbosa,na ito ay kaugnay ng plano niyang kumuha ng mga hindi lisensyadong nursing graduates para magtrabaho sa gobyerno, basta’t makapasa sila sa board exam pagkatapos ng ilang panahon.
“Lumapit sa akin ang private sector, sila na raw ang magbibigay ng scholarship sa mga nurse na hindi makapasa kung iha-hire sila doon sa position na ‘yun,” sabi ng kalihim sa isang panayam.
Binanggit ni health chief na ang tuition sa review centers ay umaabot sa P25,000 at hindi lahat ng nursing graduates ay kayang bayaran ito.
Sa sandaling maipasa ang board exam, sinabi ng kalihim na ang lisensyadong mga nurse ay pipirma ng four-year return service agreement at magbibigay serbisyo sa ospital ng gobyerno bago sila payagang mag-abroad.
Sa kasalukuyan, may 4,500 na bakanteng plantilla items para sa mga nurse sa mahigit 70 ospital ng DOH, ayon kay Herbosa .
Nauna nang sinabi ni Herbosa na handa siyang kumuha ng mga hindi lisensyadong nursing graduates kung mayroon silang mga diploma mula sa accredited nursing schools.
Kung papayagang magtrabaho sa gobyerno, sinabi niya na ang mga nagtapos ay maaaring makakuha ng panimulang sweldo na humigit-kumulang P35,000 hanggang P40,000, na maaaring tumaas pa. GENE ADSUARA