• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LENTE at COMELEC, lumagda sa kasunduan

OPISYAL  na lumagda ng kasunduan ang Legal Network for Truthful Election (LENTE) at Commission on Elections (COMELEC) bilang bahagi ng patuloy na paghahanda para sa nalalapit na Midterm Elections sa Mayo.

 

Ang paglalagda sa Memorandum of Agreement ay pinangunahan ni LENTE Senior Program Director for the Abuse of State Resources Project Atty. Ryan Jay Roset  para sa pinaigting na pagtutulungan sa pagbabantay at pagtiyak ng kaayusan at katapatan sa papalapit na halalan.

 

Ang nasabing kasunduan ng COMELEC sa pagitan ng iba’t ibang mga election watchdog ay alinsunod na rin sa COMELEC Resolution No. 11104 na nagbabalangkas ng mga alituntunin para maiwasan ang Abuse of State Resources (ASR).

 

Ang ASR ay ang tahasang paggamit ng mga kandidato sa mga koneksyon at ari-arian na pagmamay-ari ng estado tuwing panahon ng halalan na maituturing din na isang uri ng kurapsyon o katiwalian.

 

Bahagi ng nilagdaang kasunduan ang pakikipagtulungan ng LENTE sa Committee on Kontra Bigay na mangangasiwa sa pagpapaigting sa kampanya ng COMELEC laban sa talamak na vote buying at vote selling tuwing panahon ng halalan sa bansa.

 

Kaugnay nito tiniyak ng LENTE ang pakikipagtulungan sa COMELEC at sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan upang maisulong ang pagkakaroon ng ligtas, marangal at matapat na halalan sa bansa.

 

Bukod sa Midterm Elections na nakatakda sa May 12, 2025 ay babantayan rin ng LENTE ang nakatakdang 1st BARMM Parliamentary Elections.

 

Bukod sa LENTE, lumagda rin sa nasabing kasunduan sa pagitan ng COMELEC ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na pangunahing tagapagbantay ng Simbahan sa halalan sa bansa. (Gene Adsuara)