• January 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Large scale tobacco smuggling, pinabubusisi

PINAIIMBESTIGAHAN ni Marikina City Rep. Miro Quimbo, Chairperson ng House Committee on Ways and Means ang tumataas na insidente ng large-scale tobacco smuggling.

Sa House Resolution 636, pinasisilip nito sa kaukulang komite ang naturang smuggling at impact nito sa public health at government revenues.

Tinukoy nito ang pagkakakumpiska ng 32 trak nitong Enero 1 na naglalaman umano ng smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng tinatayang ₱2.6 billion. Naharang ito sa operasyon ng Philippine National Police sa Batangas at Malabon.

Sinabi ni Quimbo na ang naganap na pagkakakumpiska ay nagpapakita na nananatiling seryoso ang organisadong cigarette smuggling na nangangailangan ng agarang aksyon.

Dahil dito, tinatayang nasa P875.16 million na buwis ang nawala sa pamahalaan.

Noong 2023, iniulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nalugi ang gobyerno ng tinatayang ₱25.5 bilyong excise tax dahil sa smuggling.

Iginiit ng mambabatas na pinahihina ng large-scale tobacco smuggling ang public health policy at tax enforcement sa pamamagitan ng artipisyal na pananatili sa presyo ng sigarilyo sa mababang halaga.

“Kung hindi napipigilan ang malakihang smuggling, bumabagsak ang presyo ng sigarilyo. And the stark price gap between legal and smuggled cigarettes waters down the effect of sin taxes and other health reforms we have so far achieved. At sa patuloy na smuggling ng sigarilyo, mas nagiging accessible ang bisyo sa kabataan at mahihirap nating kababayan. Patuloy din nawawalan ng pondo ang gobyerno para sa mga health programs, lalo ng Philhealth.,” ani Quimbo.

Pinarerebyu din ng resolution ang kasalukuyang enforcement systems, koordinasyon ng mga ahensiya at multang ipinapataw sa smuggling.

Umaasa si Quimbo na makakatulong ang imbestigasyon ang umanoy butas sa regulasyon at masiguro na maparusahan ang mga smugglers.

“While our law enforcement agencies have been vigilant on this case, the magnitude of the issue demonstrates the need for systemic reforms. Smugglers must be prevented from profiting at the expense of public health and taxpayers,” pahayag nito.
(Vina de Guzman)