Lalaking wanted sa Valenzuela, nakorner sa Batangas
- Published on February 11, 2025
- by Peoples Balita
NAGWAKAS na ang pagtatago ng 32-anyos na construction worker na nahaharap sa mabigat na kaso sa korte ng Valenzuela City matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtaguang lugar sa lalawigan ng Batangas.
Unang hinanting ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban si alyas “Freddie” sa kanyang tirahan sa San Jose Del Monte, Bulacan nang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong paglabag sa R.A. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act noong Hunyo 6, 2024 subalit hindi na siya natagpuan sa kanilang lugar.
Nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya na namamalagi sa Tanauan City sa Batangas ang akusado, muling ikinasa ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela police ang pagtugis kay alyas Freddie, bitbit ang warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Evangeline Mendoza Francisco ng Branch 270.
Dakong alas-9:00 ng gabi nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng SIS ang akusado sa harap ng Matsuform Link Inc. sa Brgy. Janopol Oriental, Tanauan City.
Ayon kay Col. Cayaban, walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado bunga ng naranasang sobrang pagmamalupit niya sa biktima na naging dahilan upang dumanas ito ng paghihirap ng damdamin at labis na kahihiyan na nasa ilalim ng Section 5(h) at 5(i) ng R.A. 9262. (Richard Mesa)