• March 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Lalaki, sugatan nang makipagbarilan sa pulis sa Caloocan

KATATAPOS lang ng putukan sa pagsalubong sa Bagong Taon nang umalingawngaw naman ang mga putok ng baril makaraang makipagbarilan umano ang isang lalaki sa pulis na nagresponde sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling araw.
Sapol ng bala sa kanang paa ang naarestong suspek na si alyas “Dante”, 31, ng Kamagong Alley, Barangay 152, Bagong Barrio.
Sa kanyang ulat kay Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles, sinabi ni P/Capt. Mikko Arellano, hepe ng Bagong Barrio Police Station na humingi ng tulong kay Police Officer Rommel Tho, 33, nakatalaga sa Intelligence Unit ng Caloocan Police Station si alyas “Cynthia”, 49, may-ari ng sari-sati store, hinggil sa grupo umano ng mga kalalakihan, kabilang ang suspek, na nais dukutin at patayin ang kanyang manugang na lalaki.
Nang magtungo sa Kaganapan St. Brgy. 150, dakong ala-1:30 ng madaling araw ang naka-sibilyang pulis, agad siyang nagpakilalang alagad ng batas subalit, bumunot umano ng baril at nagtago sa likod ng nakaparadang taksi ang suspek hanggang umalingawngaw na ang palitan ng putok.
Nakita pa sa kuha ng CCTV na lumabas ng paika-ika sa gilid ng taksi ang suspek at nagawa pang tumakas patungo sa hindi na natukoy na lugar.
Nang mag-responde sina Capt. Arellano, tinunton nila ang mga patak ng dugo hanggang makarating sa bahay ng suspek na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Sa report ni Col. Doles kay Northern Police District (NPD) ActinG Director P/Col. Josefino Ligan, nakuha ng mga pulis sa suspek ang isang kalibre .45 pistola na kargado pa ng bala at isang hand M84 hand grenade.
Natuklasan ng pulisya na dati ng nakulong sa kasong murder ang suspek, bukod sa pagkakasangkot umano niya sa gun running, gun-for-hire, at pagbebenta ng ilegal na droga. (Richard Mesa)