Lalaki na wanted sa droga sa Valenzuela, nalambat ng PDEG
- Published on January 24, 2026
- by @peoplesbalita
MAKALIPAS ang isang taon, nadakip na ang 59-anyos na lalaki na wanted sa kasong may kinalaman sa iligal na droga sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City, Huwebes ng gabi.
Kinilala ni PLTCOL Christopher Navida, OIC Chief ng PDEG SOU NCR ang akusado na si alyas “Berber”, residente ng Brgy., Karuhatan ng lungsod.
Ikinasa ng mga tauhan ni Lt. Col. Navida, katuwang ang Valenzuela City Police ang manhunt operation laban sa akusado sa koordinasyon sa PDEA makaraan ang nakatanggap na impormasyon na naispatan sa naturang barangay ang presensya nito.
Alas-9:30 ng gabi nang makorner ng mga operatiba ng PDEG SOU-NCR sa pangunguna ni PLT Juan Carlos De Ramos, kasama sina PCpl Alpha Jericho M Olegario, PCpl Raymart A Ditalo, PCpl Christian E Fabrigar, PCpl Christian Jade O Borromeo, Pat Dennis R Yang, Pat Argie S Garcia, Pat Ferdinand Mark B Belleza, Pat Joey E Uy, Pat Resty Jonh B Mejia at Pat Melwin A Eugenio ang akusado sa Karuhatan Road Brgy. Karuhatan.
Maayos namang naisilbi ng mga operatiba sa akusado ang warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trail Court (RTC) Branch 282, noong January 22, 2025 para sa paglabag sa Article II ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). (Richard Mesa)