Lalaki na wanted sa 11 counts of rape sa Malabon, kalaboso
- Published on August 13, 2025
- by @peoplesbalita
MULING inaresto ng pulisya sa loob ng selda ang isang lalaki na unang nadakip sa anti-illegal gambling operation nang mabistong wanted sa labing-isang bilang ng panggagahasa sa Malabon City.
Batay sa ulat, nakapiit sa custodial facility unit ng Malabon Police ang 39-anyos na lalaki na residente ng Brgy. Catmon matapos maaresto ng mga tauhan ni Malabon Police Acting chief P/Col. Allan Umipig sa anti-gambling operation nang mahuli sa aktong nasusugal ng ‘cara y cruz’.
Nang tignan ang kanyang record, nadiskubre ng pulisya na wanted ang suspek sa 11 counts of Rape under Article 266-A of the Revised Penal Code, as amended by R.A. 8353 kaya agad inatasan ni Col. Umipig ang kanyang mga tauhan na arestuhin ang akusado.
Dakong alas-10:55 ng umaga nang isilbi ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa akusado sa loob ng selda ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 170, Malabon City, noong August 6, 2025 para sa 11 counts of Rape na walang inirekomendang piyansa.
Pinuri naman ni P/BGen. Jerry Protacio, Acting District Director ng Northern Police District, ang pagsisikap at dedikasyon ng arresting team, na nagbibigay-diin na ang naturang operasyon ay sumasalamin sa hindi natitinag na pangako ng PNP sa pagdadala ng mga pugante sa hustisya. (Richard Mesa)