Lalaki na akusado sa panggagahasa sa Caloocan, kalaboso
- Published on August 16, 2025
- by @peoplesbalita
NALAMBAT ng pulisya ang isa sa Most Wanted Person (MWP) ng Northern Police District (NPD) na akusado sa panghahalay sa isang babaing biktima sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay NPD Acting Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni ni District Special Operation Unit (DSOU) Officer-in-Charge P/Lt. Col. Emmanuel Gomez na nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang 23-anyos na si alyas “Cris” sa Brgy. 187, Tala, North Caloocan.
Agad ikinasa ng mga tauhan ng DSOU ang operasyon sa pangunguna ni Lt.Col. Gomez bitbit ang warrant of arrest na inilabas ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC), Family Court Branch 1 laban sa akusado na nahaharap sa kasong panggagahasa.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang dakpin siya ng mga operatiba ng DSOU dakong ala-1:30 ng hapon sa tinutuluyang bahay sa North Sta Rita, Caimito St. Tala, Brgy 187.
Pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng DSOU-NPD si alyas Cris habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail. (Richard Mesa)