Kumalat ang pagpanaw ng aktres dahil daw sa heart attack: CHANDA, nabiktima ng ‘death hoax’ pero buhay na buhay
- Published on October 16, 2025
- by @peoplesbalita
DALAWA sa Legaspi Family ang nakatrabaho na ni Glenda Garcia.
Si Zoren Legaspi ay nakasama niya sa 2017 teleserye ng GMA Public Affairs na ‘I Heart Davao’. Si Cassy Legaspi naman ay nakatrabaho niya sa ‘First Yaya’ (2021) at ‘First Lady’ (2022).
Si Carmina Villarroel ay hindi pa niya nakakasama sa anumang teleserye, pero matagal na raw silang magkakilala dahil madalas daw noon dumalaw sa set ng ‘Valiente’ (1992) ang aktres dahil sa boyfriend nito noon na si Rustom Padilla (BB Gandanghari na ngayon).
First time din niyang makatrabaho si Mavy Legaspi at paborito raw ni Glenda ang mga eksena nilang dalawa.
Balik-kontrabida si Glenda sa ‘Hating Kapatid’. Muli raw niya binuhay ang kontrabida character niya sa ‘Valiente’ na si Leona Braganza at hinalo sa character niya ngayon na si Jacinta.
“Masaya ako at si Direk Adolf ulit ang director ko kasi kilala na namin ang isa’t- isa. Alam niya ‘pag mabigat ang eksena, close up shot na muna kasi alam niya na ibibigay ko na lahat.
“Magagalit sa akin ang marami dahil sa umpisa pa lang, grabe ko apihin ang mga bata.
“May eksena rin kami ni Carmina na kinaladkad ko siya, tinulak at marami akong sinabing masasakit na salita. Kahit may nasaktan, it was choreographed very well.
“Masarap kaeksena si Mina kasi magaling, very sweet at napaka-humble na tao.”
***
LATEST victim ng “death hoax” sa showbiz ay ang veteran actress na si Ms. Chanda Romero.
Noong nakaraang Sabado, Oct. 11, kumalat sa social media ang pagpanaw daw ng aktres dahil sa heart attack.
Heto ang post sa Facebook page na Mang Kepweng:
“MALUNGKOT NA BALITA: Veteran Actress Na Si Chanda Romero, Pumanaw Na Sa Edad Na 71 Pasado 2:00 Ng Hapon Ngayong Araw (October 11, 2025) Dahil Sa Atake Sa Puso. Ang Aming Taos-pusong Pakikiramay. Rest In Peace, Chanda Romero. February 26, 1954-October 11, 2025.”
Agad-agad na pinabulaanan ng lawyer and film producer ng Quantum Films na si Josabeth ” Joji” Alonso ang fake news tungkol kay Chanda.
Sa kanyang Facebook account, sinabi nito na “very much alive” ang 71-year old award-winning veteran actress.
“The person who posted this is the same person who posted that Michael de Mesa passed, which we all know is NOT true.
“I don’t understand why people make up stories like these? Sana ipost nyo na lang na kayo ang namatay!!!
“Chanda is very much alive po, and happy and content,” caption ni Atty. Joji.
Kung matatandaan ay naging biktima ng death hoax ang veteran actor na si Michael de Mesa noong nakaraang Sept. 30. Ang 65-year old actor mismo ang nagsabing fake news ito sa kanyang social media accounts.
Si Chanda ay nananatiling aktibo sa paglabas sa TV at pelikula. Huling siyang napanood sa ‘Batang Quiapo’ ng Kapamilya Network at sa Forever Young ng GMA-7.
Noong Sept. 25, nanalo bilang best supporting actress si Chanda sa 3rd Gawad Dangal ng Filipino Awards para sa pelikulang ‘Espantaho.’
Mapapanood din si Chanda sa 2025 Metro Manila Film Festival official entry na ‘Call Me Mother’ na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Nadine Lustre.
(RUEL J. MENDOZA)