Kudeta sa Senado napigilan ng mayorya; Sotto nanatili sa puwesto
- Published on February 6, 2026
- by @peoplesbalita
NAPIGILAN ang tangkang ikudeta si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Miyerkoles.
Inamin mismo ni Sotto na nagkaroon ng pagtatangka na patalsikin siya sa puwesto na napigilan lamang ng mga kasamahan niya sa mayorya.
“The majority. Not me. It’s always the majority who decides,” ani Sotto.
Natawa rin si Sotto sa tanong tungkol sa post ni Sen. Francis Pangilinan sa Facebook na may hastag na “power sharing.”
“Nagbibiro lang ‘yun. Ibig niyang sabihin siguro ‘yung group ng majority,” ani Sotto.
Sa selfie ni Pangilinan na ipinost sa Facebook, siyam na miyembro lamang ng mayorya ang nasa meeting na kinabibilangan niya, Sotto, Senators Loren Legarda, Bam Aquino, Panfilo Lacson, JV Ejercito, Juan Miguel Zubiri, Risa Hontiveros at Win Gatchalian.
Si Legarda ang sinasabing gustong ipalit kay Sotto.
Bago ang panayam kay Sotto, si Legarda ang umupong presiding officer at nagsara ng sesyon noong Miyerkoles.
Sinabi naman ni Sen. Pia Cayetano na dapat ay ang mga pasimuno ng tangkang kudeta ang tanungin sa isyu.
Pero walang pinangalan si Cayetano kung sino ang mga sinasabi niyang “instigators.”
(Daris Jose)