Krimen sa Metro Manila bumaba ng 39 porsyento
- Published on May 27, 2026
- by Francis Paolo Torres
INIULAT ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na bumaba ng 39% ang kriminalidad sa Metro Manila sa nakalipas na isang linggo dahil sa mas mabilis at malawakang pagpapatupad ng batas sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO).
Ayon kay NCRPO Director PMGen. Anthony Aberin, mula Mayo 18 hanggang 24, 2026, nakapagtala lamang ang NCRPO ng 78 index crimes o 39.06% na pagbaba mula sa 128 kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ang murder ay bumaba ng 42.86%; homicide 83.33%; physical injuries 50%; rape 68.75%; robbery 42.86%; theft 24.56%; at motorcycle carnapping 44.44%.
Nangunguna pa rin ang illegal na droga sa target ng operasyon ng isang linggo na 228 buy-bust at drug enforcement missions, kung saan naaresto ang 281 suspek at nakumpiska ang P11,009,205.60 na halaga ng ilegal na droga — kabilang ang 870.69 gramo ng shabu, 11,616.22 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana, 1,548 ecstasy tablets, at 436.20 gramo ng Kush marijuana.
Umakyat sa 71.79% ang Crime Solution Efficiency (CSE) ng NCRPO, isang 10.08-puntong pagtaas mula sa 61.72% noong nakaraang taon, na nagbibigay-diin hindi lamang sa rami ng mga naaresto kundi pati na rin sa mas malakas na pagbuo ng kaso sa likod ng bawat isa.