• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

KOREAN NATIONAL INARESTO, SCAM HUB, NADISKUBRE SA PAMPANGA

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national at nadiskubre ang isa pang pinaghihinalaang scam hub sa isinagawang enforcement operation sa Angeles City, Pampanga.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, nagsagawa ng operasyon ang Intelligence Division–Special Response Team (ID-SRT) noong hapon ng Pebrero 25 na nagresulta sa pagkakaaresto ng 33-anyos na Korean national na si Yu Jaemin.
Nag-ugat ang operasyon mula sa isang intelligence information na nagsasabing sangkot ang nasabing indibidwal sa operasyon ng isang pinaghihinalaang scam hub na tumatarget sa kapwa Korean nationals at posibleng iba pang dayuhang biktima.
Nagsagawa ng surveillance ang mga operatiba sa target na lugar at nakita ang suspek na lumabas sa kanyang tirahan at nagtungo sa isang opisina sa Poinsettia Street sa Angeles City.
Pagpasok sa nasabing lugar, nadatnan ng mga operatiba ng BI ang labing-isang iba pang Korean nationals na nakatalaga sa kani-kanilang workstations at aktibong gumagamit ng operational equipment. Ang setup ng lugar, kabilang ang mga nakatalagang work areas at mga aktibidad na isinasagawa sa mga digital devices, ay tumutugma sa mga ulat hinggil sa operasyon ng mga scam hub.
Natagpuan ang mga indibidwal na abala sa kanilang mga gawain nang ipatupad ang operasyon, kaya agad na isinagawa ang beripikasyon ng kanilang pagkakakilanlan at immigration status at napag-alamang tatlo sa mga dayuhan ay mga fugitives from justice na may umiiral na derogatory records, habang ilan naman ay natuklasang overstaying na lumalabag sa Philippine Immigration Act of 1940, na may mga susog.
Bago isinagawa ang operasyon, nagkaroon ng wastong koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) Pampanga at PNP Angeles City upang matiyak ang pagiging lehitimo at maayos na pagsasagawa ng operasyon.
Habang isinasagawa ang enforcement operation, dumating sa lugar ang isa pang Korean national na nagpakilalang lessor o manager ng property. Iniulat na nakialam ito sa operasyon at maling nag-angking ipinadala siya ng mga awtoridad ng Korea. Gayunman, kinumpirma ng BI sa pamahalaan ng Korea na walang ganitong representasyon na ginawa ng mga ito.
Kalaunan ay dinala ang mga nasabing indibidwal sa Maynila para sa booking at dokumentasyon, at kasalukuyang nakadetine sa BI Warden’s Facility habang hinaharap ang kanilang mga deportation case.
Ayon kay Viado, magsasagawa pa ng imbestigasyon ang ahensya hinggil sa background ng Korean national na nagtangkang manghimasok sa operasyon at sa posibleng koneksyon nito sa iligal na aktibidad na natuklasan sa lugar.
Muling iginiit ng pinuno ng BI ang matibay na paninindigan ng ahensya laban sa mga foreign-led scam hubs na nagpapatakbo sa bansa.
“Hinding-hindi namin pahihintulutan ang mga organisadong fraud syndicates na samantalahin ang ating mga komunidad at gamitin ang teritoryo ng Pilipinas bilang base ng kanilang mga kriminal na operasyon,” ani Viado. “Magpapatuloy ang aming mga intelligence at enforcement units sa mahigpit at koordinadong aksyon kasama ang aming mga katuwang sa law enforcement upang matiyak na ang mga dayuhang lumalabag sa ating mga batas ay maaaresto at mapapaalis sa bansa (Gene Adsuara)