Korapsyon, 2nd top concern ng Pinoy ayon sa survey
- Published on October 22, 2025
- by @peoplesbalita
ANG korapsyon ang itinuturing ng mga Pinoy na pangalawa sa nangungunang national concerns ng Pilipinas, batay sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na pumasok ang korapsyon sa top five national issues sa mga survey na isinasagawa ng OCTA.
Base sa naturang survey, ang concern ng mga Pinoy sa korapsyon ay tumaas ng 18 puntos o mula sa 13% noong Hulyo ay naging 31% noong Setyembre, na pinakamataas na level of concern na naitala rito.
“The sharp rise in corruption concerns indicates a growing public demand for integrity and accountability in government, as Filipinos increasingly turn their attention from just economic concerns to issues of governance,” ayon sa OCTA.
Ang panawagan upang labanan ang korapsyon ay pinakamalakas sa National Capital Region (NCR), 53% habang sa Mindanao ang pinakamababa, 18%.
Lumitaw din sa survey na ang nangungunang concern ng mga Pinoy ay ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pagkain at serbisyo, 48% mula sa 50%.
Pumangatlo ang pagkakaroon ng access sa abot-kayang pagkain 31%, concern sa sahod 27%, at paglikha ng mas maraming trabaho 23%.
Ang naturang non-commissioned survey, ay isinagawa ng OCTA mula Setyembre 25-30, sa may 1,200 adult Pinoys sa pamamagitan ng face-to-face interviews.