• October 21, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 8:45 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kongreso idineklara si Marcos bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas

IDINEKLARA  na ng Kongreso sina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Dutertre-Carpio bilang panalo sa pagkapangulo at pagkabise sa nagdaang 2022 national elections.

 

 

Ito ang ginawa ng National Board of Canvassers, Miyerkules, matapos magtamo si Bongbong ng 31,629,783 boto, dahilan para siya ang maging ikalawang Marcos na maluluklok sa Malacañang.

 

 

Si Duterte-Carpio, na anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, naman ang tatayong ikalawang pangulo. Pareho silang uupo bilang dalawa sa pinakamatataas na opisyal ng Pilipinas sa araw ng kanilang inauguration sa ika-30 ng Hunyo, alinsunod sa 1987 Constitution.

 

 

Samantala, kanina lang nang magtamo ng sugat ang hindi bababa sa 10 katao sa harapan ng Commission on Human Rights (CHR), para tutulan ang aniya’y “maruming” eleksyon na magluluklok kina Marcos at Duterte-Carpio.

 

 

Nangyayari ito kahit na una nang naiulat na nawawala pa ang ilang certificates of canvass mula sa Mandaluyong, Sulu, Manila at Cagayan de Oro.

 

 

‘Second chance para sa mga Marcos’

 

 

Nagpasalamat naman si Sen. Imee Marcos sa lahat ng mga sumuporta sa kandidatura ng kanyang kapatid na si Bongbong, lalo na’t nabigyan daw ng ikalawang pagkakataon ang kanilang pamilya na makapagsilbi.

 

 

“Yes, we’re very, very grateful for a second chance… Dahil medyo mabigat ang pinagdaanan ng aming pamilya. Matapos ‘yung 1986, kung anu-anong kaso ‘yung hinarap namin, kung anu-anong pangungutya at pang-aapi, sabihin na natin,” wika niya sa isang panayam.

 

 

“Medyo hirap talaga ‘yung pamilya namin for almost four decades.”

 

 

Matatandaang pinatalsik ng taumbayan gamit ang pag-aalsang EDSA People Power noong 1986 ang kanilang amang diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na kilala hindi lang para sa matinding human rights violations noong Martial Law simula 1972 ngunit pati na rin sa ill-gotten wealth  — bagay na kinikilala ng Supreme Court noong 2003, 2012 at 2017.

 

 

Hinahabol pa rin ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang mga nakaw na yaman ng kanilang pamilya hanggang ngayon. Gayunpaman, pinangangambahan ng ilang mahirapan na ang gobyerno rito lalo na’t una nang sinabi ni Bongbong na gagawin itong anti-corruption commission na “hindi na lamang anti-Marcos.”

 

 

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagtiwala sa amin, mula sa mga loyalista, mga Ilokano, lahat ng naniniwala na kinakailangan ng ating bansa ay talagang matibay na pamumuno,” sabi pa ni Imee.