KONGRESISTA NG CAVITE NA SI BARZAGA, SUMUKO SA KASONG CYBERLIBEL
- Published on April 15, 2026
- by @peoplesbalita
DASMARIÑAS CITY, CAVITE — Kusang-loob na sumuko sa pulisya ang kontrobersyal na kongresista ng Cavite kaugnay ng kinakaharap nitong walong bilang ng cyberlibel, Lunes ng gabi.
Kinilala ang akusado na si Francisco Austria Barzaga alyas “Kiko,” 27-anyos, kasalukuyang nanunungkulan bilang kinatawan ng ika-apat na distrito ng Cavite.
Dakong alas-6:59 ng gabi nang personal na nagtungo sa Dasmariñas Component City Police Station sa Malihan Street, Barangay Zone 4, kasama ang kanyang abogado upang sumuko.
Batay sa ulat, nahaharap si Barzaga sa walong bilang ng paglabag sa Republic Act No. 10175 o mas kilala bilang Cybercrime Prevention Act of 2012, partikular sa kasong cyberlibel.
Ang mga nasabing kaso ay nagmula sa kautusan ng Karla Regina D. Valera-Chua, Presiding Judge ng Branch 147 ng Regional Trial Court sa Makati City, na pirmado noong Abril 13, 2026. Inirekomenda rin ng korte ang piyansang nagkakahalaga ng ₱48,000 para sa bawat bilang, na umaabot sa kabuuang ₱384,000. (Gene Adsuara)