KLASE, TRABAHO, SUSPENDIDO AT LIQUOR BAN SA PISTA NG NAZARENO
- Published on January 7, 2026
- by @peoplesbalita
SUSPENDIDO ang klase sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan, pati na ang trabaho sa Lokal na Pamahalaan ng Maynila sa Biyernes, Enero 9, sa araw ng pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Poong Itim na Nazareno.
Sa nilagdaang Executive Order No. 1 Series of 2026 ni Mayor Isko Moreno Domagoso, iniutos ang suspensiyon ng klase at trabaho sa lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at taimtim na pagdiriwang ng kapistahan, at malayang makalahok ang mga deboto sa taunang Traslacion na dinarayo ng milyon manlalakbay na may banal na layunin taon-taon sa kapitolyo ng bansa.
Ipinauubaya naman ng alkalde sa mga pribadong kompanya sa Maynila at maging sa pambansang pamahalaan, kung sususpendihin din ang kanilang trabaho.
Naglabas din ng Executive Order No. 2 Series of 2026 ang alkalde na nagpapataw ng liquor ban sa Enero 9 sa loob ng 500 metrong radius sa paligid ng Quiapo Church at maging sa ruta ng Traslacion.
Sa ilalim naman ng inilabas ding Executive Order No. 3, Series of 2026 ng alkalde, kanyang idineklara ang total ban sa paggawa, distribusyon, at paggamit ng anumang uri ng paputok at pyrotechnics mula Enero 8 hanggang 9 sa buong lungsod upang maiwasan ang pinsala sa buhay, sunog, at iba pang panganib sa gagawing prusisyon ng Itim na Nazareno.
Inatasan din ni Mayor Isko Moreno ang Manila Police District (MPD) at iba pang tagapagpatupad ng batas na mahigpit na ipatupad ang tatlong kautusan na kanyang nilagdaan sa buong panahon ng selebrasyon.
(Gene Adsuara)