Klase sa lahat ng pampubliko paaralan sa NCR, suspendido, Oct. 13-14
- Published on October 13, 2025
- by @peoplesbalita
SINUSPINDE ng Department of Education-NCR (DepEd NCR) ang lahat ng face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa National Capital Region Ngayong Lunes at Martes, Oktubre 13 hanggang 14, 2025.
Ayon sa kagawaran ang pagpapatupad ng suspensiyon ay bilang pag-iingat sa pagtaas ng mga kaso ng influenza-like illnesses at dahil na rin umano sa mga nararanasang pagyanig na nakakaapekto sa ilang bahagi ng bansa.
‘Department of Education – National Capital Region (DepEd NCR) issues this advisory to ensure the continuity of learning while prioritizing the health, safety, and structural security of all public schools,’ ayon sa pahayag ng DepEd.
Kasabay ng suspensyon ng face-to-face classes sa Lunes at Martes, inatasan ng DepEd-NCR ang mga paaralan na ipatupad ang Alternative Delivery Modalities (ADM), gaya ng synchronous o asynchronous learning, alinsunod sa DepEd Order No. 54, s. 2012, upang maiwasan ang pagkaantala ng pag-aaral.
Inatasan din ng ahensya ang lahat ng paaralan na gamitin ang panahon ng suspensyon upang magsagawa ng cleaning at disinfection ng mga silid-aralan at common areas; magsagawa ng structural at safety inspections ng mga gusali at pasilidad; maghanda para sa earthquake drills at emergency protocols; at palakasin ang health at safety practices ng mga mag-aaral, guro, kawani, at mga magulang. (Daris Jose)