Kinondena ng mambabatas ang naging pahayag ni dating Presidente Rodrigo Duterte: ‘Like Father, like daughter’
- Published on February 14, 2025
- by Peoples Balita

KINONDENA ng isang mambabatas ang naging pahayag ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte na pagpapatayin umano ang mga senador para magbigay daan sa mga kandidato ng kanilang partido.
Sa ginanap na PDP-Laban proclamation rally nitong Huwebes, sinabi ni Duterte na “Ngayon marami kasi sila. Ano dapat ang gawin natin? Patayin natin yung mga senador ngayon para mabakante. Kung makapatay tayo, tanan, mga 15 na senador. Pasok na tayo lahat.”
Ayon kay House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list, maisasalamin ang ginawang pahayag ng dating pangulo sa naging babala ng Bise Presidente laban kay Pangulong Bongbong Marcos at kina First Lady Liza Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
“Talagang mag-ama nga sila. Si anak, nagbanta na ipapapatay ang Presidente at Speaker. Si ama naman, gusto ipapatay ang mga senador. Parang gusto nila bumingo sa lagay na ’yan,” ani Acidre.
Hindi rin dapat aniyang ipagsawalang bahala ang ganitong pagbabanta sa publiko, maging biro man ito o seryoso.
“Hindi biro ang pagbabantang pumatay ng opisyal ng gobyerno—kahit pa sabihin nilang joke lang. Nakakatakot ‘yan kasi nagpapalaganap ng kultura ng karahasan, pinahihina ang demokrasya, at sinisira ang batas. Sa isang demokratikong bansa, inihahalal ang mga pinuno, hindi pinapatay. Kapag ang mga dating o kasalukuyang opisyal mismo ang nagbibitaw ng ganitong klaseng salita, parang sinasabi nilang okay lang gumamit ng dahas imbes na pag-usapan nang maayos ang hindi pagkakasundo,” paliwanag ni Acidre.
Bukod aniya dito ay hindi lang ito basta padalos-dalos na salita dahil maikukunsidera umano itong krimen sa ilalim ng batas.
Idinagdag ni Acidera na ang pagbabanta sa mga opisyal ng gobyerno ay maituturing na inciting to sedition o grave threats, at may kaakibat na parusa kaya hindi puwedeng balewalain ito dahil nagdadala ito ng tunay na banta sa seguridad, at napipilitan ang gobyerno na gumastos ng pondo at magpakilos ng pulis at militar para tugunan ang banta, kahit pa sinasabi nilang biro lang ito.
Sinabi pa ng mambabatas na ang kampo mismo ng mga Duterte ang para umanong nagbabaon sa sarili nila sa kanilang mga ginagawang pahayag.
Matatandaan na kamakailan lamang ay inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang paghahain ng reklamong kriminal laban kay VP Duterte dahil sa inciting to sedition at grave threats dulot ng pahayag nito ukol sa pagkuha ng assassin. (Vina de Guzman)