Kinokonsiderang “fugitive from justice” ng DOJ… Atong Ang wala na sa Pinas – Patidongan
- Published on January 19, 2026
- by @peoplesbalita
NAKALABAS na ng bansa ang wanted na si Charlie ‘Atong” Ang, ayon kay Julie “Dondon” Patidongan, whistleblower sa kaso ng missing sabungero.
Sinabi ni Patidongan na naniniwala siyang wala na sa Pilipinas si Ang.
“Sa tingin ko… nasa ibang bansa na siya,” ani Patidongan sa panayam ng DZBB nitong Sabado.
Iginiit din nito na hindi umano basta susuko si Ang dahil hindi anya ito “ordinaryong tao” at “international ang kanyang grupo”.
Posible raw na noong Disyembre pa umalis ng bansa ang naturang negosyante.
Sinabi pa ni Patidongan na sakaling nasa bansa pa si Ang, maaring magtago siya sa mga eksklusibong subdibisyon na pag-aari niya o pag-aari ng mga taong pinagkakatiwalaan at hindi sa mga heneral o sinuman.
“Para sa akin, sarili lang niya at hindi siya marunong magpakanlong sa mga general o sino man … Talagang kung gagawin ‘yan, sariling sikreto niya,” dagdag pa niya.
Si Ang ay may patong na P10-milyon sa ulo na alok ng Department of Interior and Local Government, itinuturing na “armed and dangerous” ng PNP dahil sa mga baril na hindi pa nito naisusuko, at ikinokonsiderang “fugitive from justice” ng DOJ.
Noong Miyerkules, naglabas ang Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court Branch 26 ng warrants of arrest laban kay Ang at 17 pang akusado sa kasong kidnapping with homicide, na walang inirekomendang piyansa.
“The bail for the release of the accused in this case is fixed at NOT BAILABLE for kidnapping with homicide,” batay sa warrant of arrest.
Agad nang kumilos ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa paghahanap kay Ang at noong Huwebes ay hiniling na nila ang isang Interpol red notice.
Nasundan pa ito ng hiwalay na mga warrant of arrest laban kay Ang at sa 20 pang co-accused na inisyu naman ng Lipa Batangas RTC, sa mga kasong kidnapping with homicide. (Daris Jose)