Kelot na wanted sa rape sa Valenzuela, nasilo sa Laguna
- Published on September 26, 2024
- by @peoplesbalita
HIMAS-REHAS ang isang lalaki na wanted sa kaso ng panggagahasa sa Lungsod ng Valenzuela matapos makorner ng pulisya sa manhunt operation sa Sta. Cruz Laguna.
Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguang lugar ng 37-anyos na akusado na kabilang sa mga most wanted person sa lungsod.
Inatasan ni Col. Cayaban ang Warrant and Subpoena Section (WSS) na bumuo ng team para sa isasagawang pagtugis sa akusado.
Kaagad namang ikinasa ng WSS ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa kanyang pinagtataguang lugar sa Brgy. Palasan, Sitio 5, Sta. Cruz Laguna, dakong alas-9:30 ng gabi.
Ang akusado ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Mateo B Altarejos ng Regional Trial Court Branch 16-FC, Valenzuela City noong July 8, 2019 para sa kasong Rape.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado na nakapiit ngayon sa custodial facility unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang commitment order mula sa hukuman.
Pinuri naman ni Gen. Gapas si Col. Cayaban at ang kanyang mga tauhan sa kanilang pagsisikap na tugisin ang mga taong wanted na pinaghahanap ng batas na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado. (Richard Mesa)