• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 1:13 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot na wanted sa rape sa Masbate, nalambat sa Valenzuela

SA loob mismo ng presinto pinosasan ng pulisya ang 26-anyos na factory worker matapos mabistong wanted sa kasong rape sa lalawigan ng Masbate makaraang kumuha ito ng National Police Clearance sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, dakong alas-3:30 ng hapon nang magtungo ang puganteng si alyas “Tony, residente ng Gen. T. De Leon St., sa Bignay Police Sub-Station-7 upang mag-apply ng police clearance na kailangan sa kanyang trabaho bilang factory worker.

Nang isalang ang aplikasyon ni ‘Tony’, natuklsan sa e-Warrant System ng pulisya na may nakabimbin siyang warrant of arrest na inilabas ni Masbate City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ave. A. Zurbito-Alba ng Branch 48 noong Agosto 9, 2024 para sa mabigat na kasong Rape na walang inirekomendang piyansa.

Kaagad nakipag-ugnayan ang pulisya sa Masbate Police Provincial Office (PPO) at dito nila naberipika na nasa Top 3 Most Wanted Person ng Mandaon Municipal Police Station (MPS) sa Masbate si ‘Tony’ kaya isinilbi noon din sa kanya ang arrest warrant.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Bignay Police Sub-Station-7 habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Masbate Provincial Jail sa Masbate City. (Richard Mesa)