• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot na nagwala habang armado ng sumpak sa Malabon, timbog

SA kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos magwala habang armado ng sumpak sa Malabon City.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission, mahaharap sa Alarms and Scandal (Article 155, Revised Penal Code) at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang 24-anyos na si alyas “Boy”, residente ng Navotas City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Mission na humingi sa kanila ng tulong ang mga tanod ng Brgy., Longos kaugnay sa isang armadong lalaki na nanggugulo sa nasabing lugar na nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Police Sub-Station 5 kung saan naaktuhan nila ang suspek na nanggugulo at may hawak na baril dakong alas-4:15 ng hapon.

Inaresto ng mga pulis ang suspek at kinumpiska ang dala niyang isang improvised firearm (sumpak) na may isang bala ng kalibre .38 

Ayon kay Col. Mission, patuloy na paiigtingin ng Malabon City Police Station ang mabilis na pagtugon sa mga sumbong at insidente sa komunidad upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat Malabonian. (Richard Mesa)