Kelot na nagpanggap na pulis, bistado sa shabu
- Published on October 11, 2025
- by @peoplesbalita
ARESTADO ang 34-anyos na tambay na nagpanggap na pulis nang mabisto ang dalang shabu makaraang masita ng totoong mga pulis sa maling pagsusuot ng uniporme sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Sa nakarating na report sa opisina ni Caloocan Police Acting P/Col. Joey Goforth, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Roge”, residente ng Jordan Valley St. Brgy. Baesa.
Batay sa ulat, habang nagpapatrulya sa Tullahan Road, Brgy. 162 ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station-6 dakong ala-1:15 ng madaling araw nang mapansin nila ang suspek, na nakasuot ng pang-itaas na uniporme ng pulis.
Dahil sa hindi maayos na pagsusuot ng uniporme ng suspek at mahaba ang buhok nito, nagduda sina P/Cpl. Andy Mejal at Pat. Mark Angelo Araneta kaya nilapitan at sinita nila ang suspek saka hinanapan ng PNP-ID.
Nang ilabas ng suspek ang kanyang wallet na kinalalagyan ng ID, nalaglag ang isang plastic sachet na naglalaman ng tatlong gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400 na naging dahilan upang arestuhin siya ng mga pulis.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 179 of RPC (Illegal Use of Uniform or Insignia) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)