Kelot na illegal nagbebenta ng baril, laglag sa Maritime group
- Published on June 24, 2025
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang 28-anyos na lalaki na sangkot umano sa illegal na pagbebenta ng baril matapos kumagat sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Maritime Group sa Malabon City.
Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) Chief P/Major Randy Veran hinggil sa umano’y illegal na pagbebenta ng baril ni alyas “Andrew”, ng Brgy. Muzon ng lungsod.
Nang magawang makipagtransaksiyon sa suspek ng isa sa mga tauhan ng MARPSTA, ikinasa ni Major Veran ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Andrew dakong 8:50 ng gabi sa Brgy. Concepcion.
Nang hanapan ang suspek ng anumang dokumento na nagpapatunay ng kanyang awtoridad na magmay-ari at magbenta ng baril ay wala siyang naipakita.
Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .22 na baril, dalawang magazines, at tatlong bala nito.
Ayon kay Major Veran, layunin ng naturang operasyon na pigilin ang kalakalan ng illegal na bintahan ng armas at paigtingin ang seguridad sa komunidad sa lungsod.
Sinampahan na ang suspek ng kasong paglabag sa Section 32 ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)