Kelot na akusado sa statutory rape sa Malabon, swak sa selda
- Published on November 6, 2025
- by @peoplesbalita
REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang 34-anyos na lalaki na wanted sa kaso ng panggagahasa matapos madakip ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Malabon City.
Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig, ang akusado ay isang 34-anyos na e-trike driver na residente ng Camus Extension, Brgy., Ibaba.
Matapos magsampa ng kasong statutory rape ang pamilya ng biktima sa akusado, agad naglabas ng warrant of arrest ang Malabon City Regional Trail Court (RTC) Branch 73, laban sa kanya.
Dahil dito, agad ipinag-utos ni Col. Umipig sa kanyang mga tauhan ang pagtugis sa akusado na nakatala bilang No. 4 sa Top Ten Most Wanted Person sa Malabon Police.
Dakong alas-2:30 ng hapon nang tuluyang masukol ng tumutugis na mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon Police ang akusado sa kanilang lugar.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng pulisya ang nasabing arrest warrant na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Sinabi ni Col. Umipig, ang pagkakaaresto sa akusado ay bahagi ng kanilang pinaigting na pagpapatupad ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO). (Richard Mesa)