Kelot, lumipad mula sa ika-apat na palapag ng supermarket sa Valenzuela, dedo
- Published on September 12, 2025
- by @peoplesbalita
DEDBOL ang 21-anyos na kelot matapos mag-ala superman nang lumipad mula sa ika-apat na palapag ng malaking supermarket sa Valenzuela City, Miyerkules ng hapon.
Dead-on-the-spot sanhi ng matinding tinamong pinsala sa katawan ang biktimang nakilala sa pamamagitan ng nakuhang driver’s license na si alyas “Ryan”, residente ng Brgy. Mapulang Lupa, nakasuot ng puro itim na damit na tila nagluluksa na sa kanyang kamatayan.
Sa ulat na nakarating kay Valenzuela Acting Police Chief P/Col. Joseph Talento, napansin na ng testigong si alyas “Reza”, 29, isa sa mga may-ari ng stall sa supermarket sa Brgy., Paso De Blas ang biktima, na tila wala sa sarili, balisa, at palakad-lakad hanggang umakyat sa ika-apat na palapag bago mag-ala-1 ng hapon.
Nang makarinig ang testigo ng tila kaguluhan malapit sa escalator sa lower ground ng supermarket, nakita na lang niya ang biktima na tumalon na sa ika-apat na palapag at lumagpak sa ibaba ng establisimiyento.
Mismong ang mga rescue officer ng Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) na nagresponde sa lugar ang nagdeklara na patay na ang biktima habang nakita na rin sa CCTV ng mga imbestigador ang patunay na kusang tumalon ang biktima mula sa ika-apat na palapag ng supermarket.
Maliban sa driver’s license, nakuha rin ng pulisya ang suicide note sa bulsa ng biktima bagama’t hindi na isinapubliko ang nilalaman nito. (Richard Mesa)