Kelot, kulong sa pagbenta ng baril sa pulis sa Navotas
- Published on June 18, 2025
- by @peoplesbalita
KALABOSO ang 30-anyos na kelot na umano’y sangkot sa ilegal na pagbebenta ng baril nang makipag-transaksiyon sa pulis na nagpanggap na buyer sa Navotas City.
Ikinasa ang entrapment operation ng mga tauhan ng Navotas Police City Station nang mag-alok ng mamahaling uri ng armas ang suspek na si alyas “Jon-Jon sa pulis na nagkunwaring naghahanap ng mabibiling pistola.
Dakong alas-11 ng tanghali nang makipagtagpo ang suspek sa isang operatiba ng Station Intelligence Section na inaakala niyang buyer sa Barangay Daanghari sa Navotas City na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Nakumpiska sa suspek ang isang itim na P365 Sig Sauer .9mm pistol na may optic sight, flashlight at magazine, pati na ang markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation.
Pinapurihan naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan ang Navotas police sa mabilis at epektibong aksiyon na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na inaalam pa kung sangkot sa sindikatong nagbebenta ng matataas na uri ng armas. (Richard Mesa)