Kelot, kalaboso sa di lisensiyadong bakal sa Navotas
- Published on May 23, 2025
- by @peoplesbalita

Sa ulat, nakatanggap ang mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ng impormasyon na nag-iingat umano ng hindi lisensiyadong baril ang suspek na si alyas “King” kaya isinailalim siya sa validation.
Nang positibo ang ulat, nag-apply ang pulisya ng search warrant sa korte at nang maglabas ang Navotas City Regional Trial Court (RTC) Branch ng 287 ng search warrant para sa paglabag sa R.A 10591, agad bumuo ng team ang mga tauhan ni Col. Cortes.
Sa pangunguna ng Intelligence Section, katuwang ang Sub-Station 3, at SWAT Team ay agad sinalakay ng mga tauhan ni Col. Cortes ang bahay ng suspek sa Old Fish Port St., Brgy., NBBN saka hinalughog sa bisa ng nasabing search warrant.
Nasamsam ng pulisya sa loob ng bahay ng suspek ang isang kalibre .357 revolver na may dalawang bala at nang wala siyang naipakita na kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng naturang baril ay pinosasan siya ng mga tauhan ni Cortes.
Kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Navotas City Prosecutors Office.
Pinapurihan naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District (NPD) ang dedikason at professionalism ng operating units.
“This successful operation is a testament to the unwavering commitment of our police force to ensure the safety and security of our communities. Proactive measures like these are vital in maintaining peace and order in the NPD area,” pahayag niya. (Richard Mesa)